Thursday, May 17, 2012

Filipino Essay

Ano ba ang Essay?

Ang essay o  sanaysay sa Filipino ay isang uri ng maigsing komposisyon (pagsulat) na kung saan ang nilalaman ay kalimitang personal na opinyon, makatotohanang pananaw, o karanasan ng may-akda patungkol sa itinakdang tema o paksang tinatalakay.

Maaaring hindi napupuna ng karamihan, ang essay ang pinakamadalas na ginagamit na uri ng written literature sa kasalukuyan. Sa pag-aaral, essay writing ang kadalasang pamamaraan na ginagamit upang mai-express ng kumpleto at malinaw ang points of view sa topic o tanong. Gayundin naman kapag nag-aapply ng trabaho, kabilang ang essay writing sa ginagamit na panukat ng mga recruitment officers sa kaalaman ng applicants. Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga kahalagahan ng pagkakaroon ng wastong kaalaman sa pagsulat ng essay. Patunay na ang essay writing skills ay mahalagang kaalaman na mapapakinabangan ng bawat isa, hindi lamang sa paaralan kundi pati rin sa totoong laban ng buhay.

Mayroong dalawang uri ang sanaysay: ang pormal at impormal (di-pormal). Ang pormal na sanaysay ay tumatalakay sa mga paksang nangangailangan ng pagsasaliksik. Ang mga nilalamang impormasyon ay hindi lamang purong personal na opinyon ng may-akda, kinakailangang may pinagbatayang pag-aaral o mga pananalita mula sa mga kilalang tao sa larangan ng paksang tinatalakay. Ang mga salitang ginagamit sa uri ng sanaysay na ito ay masusing pinipili - teknikal at matalinhaga. Ang impormal o di-pormal na sanaysay naman ay masasabing mas malawak ang mga paksang maaring talakayin at nangangailangan lamang ng sariling opinyon o personal na karanasan ng may-akda. Ang mga salitang ginagamit ay hindi nangangailangang teknikal o matalinhaga. 

Isa pang punto ng pagkakaiba ng dalawang uri ng sanaysay ay ang pamamaraan ng pag-deliver ng pananaw (points of view). Ang pormal na sanaysay ay sinusulat sa pamamaraang  objective o di kumikiling (neutral) sa pananaw ng may-akda. Ang impormal na sanaysay naman ay sa pamamaraang subjective dahil pumapanig sa damdamin at paniniwala ng may-akda ang pananaw.

Upang mas madaling maunawaan, bisitahin ang article na ito sa mga susunod na araw para sa mga essay samples.

Maaaring tanong ng ilan kung anong uri ng essay ang kinakailangan para sa Composition Writing na bahagi ng ALS A&E Test, ang sagot ay naka-depende sa mga tema o paksang ibibigay sa mismong examination day. Kaya nire-rekomendang pag-aralan ang parehong uri.

Walang dapat ipangamba sa bahagi ng ALS Test na essay writing, sundin lamang ang mga pamantayan sa pagsulat ng essay at sa tulong ng mga ideya mula sa mga essay samples mula sa website na ito. Kasabay ng pagsisikap mong mag-review ay siguradong makalipas lamang ng ilang araw ay magiging madali na para sayo ang pag-compose ng essay sa kahit ano pa mang tema o paksa.


References: wikipedia.org, sanaysay.org