Alternative Learning System
Maraming epektibo at subok na pamamaraan sa pagre-review. Ngunit pagtataka ng marami sa atin kung bakit ang mga pamamaraang epektibo sa iba ay hindi naman sa iba, bakit nga ba? Ang tanong na 'yan ang purpose na masagot ng article na ito - ang makilala ang ating mga sarili kung anong type of learner ba tayo, at kung sa anong pamamaraan ang pinaka-epektibo para sa atin.
Sasang-ayon at makakapagpatunay ang karamihan na ang pinaka-epektibong paraan para matandaan o matutunan ang ating mga inaaral ay kung ito ay paulit-ulit na nakikita, binabasa, sinasabi, nadidinig, o ginagawa. Mahalagang malaman natin kung alin/anu-ano sa mga nabanggit ang pinaka-epektibo para sa bawat isa sa atin.
Mayroong three basic types of learning ito ay ang visual, auditory, at haptic. Basahing mabuti ang mga discussion sa mga sumusunod na pangungusap at suriin kung anung type of learner ikaw nabibilang.
Visual. Kung napapansin mong mas madali mong matutunan ang mga lesson kapag ginagamitan ng mga drawing, animation, graphics, at computer effects, walang dudang visual learner ka. Ilan pang palatandaan na nabibilang ka sa uring ito ay (1) kung ikaw ay nasa classroom, tinitignan mo ang iyong teacher habang sya'y nagtuturo at sinusulat nang detalyado ang mga lectures. (2) Kung ikaw naman ay nagre-review, gusto mong tahimik ang iyong kapaligiran. (3) Kung iyong isinusulat ang iyong mga reviewer at paulit-ulit na binabasa(sa isip, hindi binibigkas).
Auditory. Ikaw ay nabibilang sa uring ito kung (1) halimbawa sa classroom, natututunan mo agad ang lecture ng teacher habang dini-discuss(sinasabi) pa lamang ito. (2) Kung sa group discussion ay hindi ka nalilito sa ideas mula sa iyong ka-grupo kahit sila ma'y sabay-sabay na nagsasalita. (3) Kapag ikaw ay nagre-review, inuulit mong sabihin ang iyong nabasa para ma-convince mo ang sarili mong kabisado at naintindihan mo ang iyong inaral. Kung sa ganitong mga pamamaraan mas mabilis mag-register sa isip mo ang mga lesson, auditory learner ka. Ilan pang palatadaan ay kung hindi ka masyado mahilig mag-take down ng notes; nakakaramdam ng pagkabagot kapag nagbabasa at nagsusulat; at, hindi nadi-distract sa ingay ng kapaligiran habang nagre-review.
Haptic. Kung para sayo ay mas madaling makapag-kabisa ng lesson habang ika'y naglalakad, nakatayo, nanunuod ng TV, nakikinig ng radyo, habang nasa dyip, kumakain, nagte-text, nagpe-Facebook, o kung anumang may kasabay o pahapyaw na ginagawa habang nagre-review, haptic learner ang tawag sa'yo. Sa mas malinaw na pagpapaliwanag, nabibilang ka sa uring ito kung ikaw yung tipo na hindi epektibo ang tradisyunal na pamamaraan na nakaupo at nasa tahimik na lugar habang nag-aaral. Isa pang palataan ay kung ikaw ay nakakaramdam ng matinding pagkabagot sa mahabang oras na iisa lang ang ginagawa(mag-review), garantisadong haptic learner ka nga.
Huwag mabahala sa kung anumang classification ka nabibilang, dahil magkakasing-tulad lang naman ng bisa ang tatlong basic types of learning kung effectiveness ang pag-uusapan. Huwag ding malito sa tatlo kung saan ka lamang nabibilang, maaring maging kabilang ka sa visual learner lamang, o sa parehong visual at auditory learner, o di kaya'y sa lahat - visual, auditory, at haptic learner. Ito ay nakadepende sa kakayahan ng bawat isa at nakadepende din sa subject na inaaral. Ang mahalaga ay malaman mo kung saang pamamaraan higit na epektibong magre-register sa iyong isip ang iyong mga nire-review. At kapag lubusan mo nang nalaman kung saang classification ka nabibilang, mag-concentrate ka na lamang nang mas madalas sa pamamaraang iyon at isantabi pansamantala ang iba.